Tag Archives: memories

Jay : Chapter 1

Wala naman siyang problema nung gabing yun, mag-isa siyang umiinom dahil hindi siya nasipot ng kabarkada niya.  Ayos lang ito kay Jay, sanay siya na mag-isa.  May iba pa naman siyang mga kaibigan na maaring maaya, pero mas pinili na lamang niya magsolo.

“Dati-rati, sabay pa nating pinangarap ang lahat, umaawit pa sa hangin at amoy araw ang balat…”

Napangiti si Jay ng marinig ang kantang iyon habang mag-isang umiinom  sa isang bar sa Balibago. Nababaduyan man siya, gusto niya ang kantang iyon, inilalarawan kasi nito ang 90’s, panahon ng kanyang kabataan. Nanumbalik kanya ang isang nakakaliw na alaala ng panahong nagdaan.

Nagbabakasyon siya noon sa bahay ng tiyahin niya sa San Fernando. Solong  anak si Jay kaya sabik siya sa kalaro. Iyon agad ang kanyang hinanap pagdating nila sa bahay ng tiya niya. Hindi naman siya nabigo, dahil sa tapat ng bahay ay may nakita siyang isang batang babae. Linapitan niya ito at inayang maglaro. Kahit noon lamang sila nagkita agad naman silang nagkasundo.

Bahay -bahayan ang nais na laro ng batang babae na agad namang sinangayunan ni Jay. Masaya siya dahil may bago siyang kalaro, kahit anu pa ang gustong laro ng batang babae ay payag si Jay. Nang mag-laon, maliban sa paglalaro ay namamasyal na din sila sa may kalapit na parke kasama ang taga alaga ng batang babae.

Halos araw-araw ay magkasama ang dalawa, napuputol lamang ang paglalaro nila sa tuwing ang papauwiin ng kanyang taga alaga ang batang babae upang matulog sa tanghali. Isang araw, habang masaya silang naglalaro ng bahay bahayan ay tinawag ng kanyang taga alaga ang batang babae, pinapauwi na ito para matulog. Ayaw ng batang babae ngunit sa huli ay sumunod din ito at umuwi. Naiwan mag isa ang batang si Jay. Kinabukasan ay nagusap ang dalawang bata.

“Ayaw ko na sa amin, palagi na lang ako pinapatulog ni Ate.”

“Gusto mo dito ka na lang sa amin tumira?”

“Talaga?!”

Oo! Kunin mo na yung mga gamit mo, share tayo dito sa bahay bahayan natin!”

“Hmm.. puwede ko ba isama si Teddy ko?”

“Oo naman!”

Umuwi ang batang babae ng tangahaling iyon upang matulog. Kinahapunan ng bumalik siya kina Jay may bitbit siyang maliit na kahon at yakap ang isang teddy bear sa kabilang kamay niya. Nakasalubong niya papasok ang tiya ni Jay. Nagtatakang tinanong ng matanda ang bata kung ano ang dala nito. Sinabi ng batang babae na mga damit niya iyon, sinabi din niya ang usapan nila ni Jay na doon na sila titira sa bahay bahayan nila. Hindi alam ng matanda kung matatawa ito o pagagalitan si Jay dahil sa nangyari. Kinausap nito ang dalawang bata at ipinaliwanag kung bakit hindi maaring doon tumira ang batang babae. Matapos ang madaming tanong ay naiitindihan din ng dalawang bata ang nais ipaintindi ng matanda.

Nagpatuloy ang pagkakaibigan ng dalawang bata hanggang sa kailangan ng umuwi ni Jay dahil tapos na ang bakasyon. Bago naghiwalay ang dalawa ay nangako si Jay na sa susunod na bakasyon ay babalik siya uli sa bahay ng tiyahin niya. Maglalaro at mamasayal sila ulit. Nangako din ang batang babae na hihintayin niya si Jay.

Ngunit laking pagkalungkot ni Jay ng sumunod na bakasyon.  Wala na ang batang babae. Kasama ang kanyang buong pamilya ay lumipad sila pa Amerika upang doon na manirahan, Ang naiwan na lamang sa bahay ng batang babae ay ang dati niyang taga alaga na siya na ngayong taga pangalaga ng bahay.

Ito ang alaalang nanariwa kay Jay ng marinig niya ang kantang iyon habang mag-isa siyang umiinom. Naisip niya, nasaan na nga kaya ang batang babae ngayon. Kahit anung pilit niya ay hindi niya maalala ang pangalan ng unang babaeng hindi niya sinasadayang naaya na maglive in.  “Ang aga ko pala lumandi!” natatawang bulong ni Jay sa sarili.  Umorder pa siya ng isang bote ng beer at pagkaubos niyon ay nagpasya na siyang umuwi dahil tinatawag na siya ng kanyang higaan.