Tag Archives: Jay

Jay : Chapter 2

Nakagawian na ni Jay na mag muni-muni sa tuwing siya ay mag-isa.

Sakto.  Average ika nga sa Ingles. Sa isa sa kanyang muni-muni sessions ay naisip niya na ang pang-uring ito ang makapaglalarawan kanya.

Hindi siya henyo pero hindi rin naman siya matatawag na mangmang.

Hindi ganun kalakas ang katawan niya para maging atleta pero hindi naman siya lampa.

Hindi siya masipag, hindi din naman siya batugan.

Hindi siya papasa bilang santo pero, hindi din naman siya masama.

Hindi siya suplado, pero hindi din siya palakaibigan.

Hindi siya matangkad, di din naman bansot.

Hindi siya yung tipong mapapalingon ka dahil guwapo, pero hindi siya pangit.

Hindi siya mayaman, pero nakakain naman siya ng tatlo hanggang apat na beses sa isang araw.

Sa pagitan ng pinaka mataas at pinakamababa . Walang labis, walang kulang. Sakto.

Nasaling ang ego ni Jay ng una niyang mapansin ang pagiging sakto niya sa halos lahat ng bagay. Naisip niyang napakaordinaryo lamang pala niya.

Kaunti lamang ang aamin ng harapan na nais nilang magkaroon ng katangian na mag-aangat sa kanila sa iba.  Pero ang totoo, lahat naman ay gusto nito. Ego, kasama ito sa ating pagiging tao at siyang puno’t dulo ng pagnanais na maging mas angat sa iba.

Matagal ng natanggap ni Jay na sakto siya. Para sa kanya dalawa lamang ang pagpipilian, magmukmok o tanggapin ang kung anung meron siya at sikaping mapaunlad ito.

Maaari siyang maging henyo sa pamamagitan ng pagaaral.

Maaari siyang magehersisyo upang lumakas.

Maaari siyang magsikap na maging masipag, mabait at palakaibigan.

Maaari siyang tumayo ng mas tuwid upang mag-mukhang matangkad.

Maaari niyang panatiltihing malinis ang sarili upang gumuwapo

Maaari siyang yumaman basta masipag at masinop siya.

Naisip ni Jay na hindi naman porke’t nasa gitna siya ay walang na siyang magagawa upang umangat.  Para sa kanya binigyan siya ng magandang oportunidad ng pagiging sakto niya upang umunlad sa sarili niyang pagsisikap.