Category Archives: Filipino ni Tolits

Isang Sabado sa Plaza Angel

Isang Sabado ng gabi, matapos namin tumambay at maghapunan, nag-aya maglaka-lakad ang isa sa aking mga kasama para magpababa ng kinain. Wala naman kaming partikular na destinasyon, basta maglalakad lang. Napadaan kami at napatigil sa tapat ng Museo ning Angeles dahil sa isang pagtatanghal na kasalukuyang idinadaos doon. Nagtaka ako noong una, pamilyar ang tono ng inaawit ng batang babae subalit parang may iba. Nang tumagal napagtanto ko na isa itong mainstream na awit na isinalin sa wikang Kampampangan.

Base sa mga poster na nakasabit sa paligid ang pagtatanghal na ito ay para sa pagdiriwang ng Valentines Day. Minsan ko nang naisulat ang tungkol sa pagsasaayos ng harapan ng Museo upang maging isang tamabayan at kainan. Sa aking palagay isa ita sa mga entertainment nila upang mas makahatak ng parokyano.  Isang itong magandang ideya dahil bukod sa sakto ito sa theme ng lugar ay itinatampok pa nito ang  wikang Kapampangan.

May dalawang pares na tila ba nagliligawan na nagsilbing mga host ng programa. Ilang kabataan ang umawit ng mga popular na awitin na isinalin sa wikang Kapampangan. Pinaka naaliw ako sa isang pares ng batang lalake at babae na tila aso’t pusa sa una at nagkagustuhan din ng huli. Mahusay din ang pagkakasalin at pag-awit ni Sebya (isa sa mga host) ng Just Give Me a Reason ni Pink.

Hindi nawala ang ngiti sa mukha ko at ng aking mga kasama sa buong pagtatangahal. Aliw na aliw at bilib kami sa lahat ng mga batang umawit at gayun din sa mga nag host. Sa lahat ng nasa likod ng produksyong aming napanuod, ang gagaling ninyo! Saludo ako sa inyo. Maraming Salamat! Isa itong mainam na pagtatapos ng aming mga gabi.

20150221_203048

20150221_202207_LLS

20150221_203114_LLS

Jay : Chapter 3

Walang trabaho ng araw na iyon si Jay kaya napagpasyahan niyang puntahan si Sara sa pinagtatabahuhan ng huli sa isang mall sa Pampanga. Matiyaga siyang nakatayo sa labas, hinihintay niya ang break ng dalaga, aayain niya itong magmirienda.

Nagkakilala ang dalawa sa pamamagitan ng common friend at simula noon ay madalas ng pumupunta sa mall na iyon si Jay. Maganda, magiliw at masayahin si Sara kaya madaling nahulog ng loob ni Jay rito. Nais isipin ni Jay na pareho sila ng nararamdaman dahil palagi siyang gusto makita at inaalala ng dalaga. Para kay Jay may tila “unspoken understanding” na sila.

Nang sa wakas ay dumating ang oras ng break ni Sara ay lumapit ito kay Jay. “Tara na.” ika nito. “Si Mario nga pala katrabaho ko, sasabay sana siya kumain sa atin wala kasi siya kasama eh, okay lang ba??” Tinignan at kinamayan ni Jay ang asungot na epal sa oras nila ni Sara, pangiti-ngiti pa ang mokong. Ayaw man ni Jay wala itong nagawa kaya pumayag na lamang siya. Nilibre niya ng mirienda si Sara, damay na din ang asungot at sa my open park sila ng mall pumuwesto. Marunog naman pala makiramdam si Mario at medyo dumistansiya siya ng upo kina Jay. Sa tuwing nagkakaroon ng pagkakataong magkasusap sila pakiramam ni Jay ay mas nahuhulog ang loob niya sa dalaga. Mabilis lumipas ang oras, tapos na ang huling break ni Sara sa araw na iyon. Matapos ihatid ni Jay ang dalaga sa tindahan ay muli siyang tumayo sa tapat nito. Hindi pa siya uuwi, Dalawang oras na lang ay tapos na ang shift ni Sara, aantayin niya ito upang ihatid pauwi.

Madalas na ganito ang set up nilang dalawa. Nagiba lamang ito ng minsang si Sara naman ang bumisita Jay kay sa trabaho. Bisperas ng Bagong Taon iyon at pauwi ng bayan nila si Sara. Hindi makaalis ng trabaho si Jay kaya si Sara na lang ang pumunta sa kanya. Sanlaksang kilig ang naramdaman ni Jay ng araw na iyon. Upang mapahaba ang oras nila sa halip na magjeep ay inaya niyang maglakad si Sara.

Makalipas ang ilang araw, napagpasiyahan na ni Jay na kausapin si Sara para linawin ng ang estado ng relasyon nila. Ginawa niya ito habang naglalakad sila papunta sa inuupahan ni dalaga. Hindi sumagot si Sara. Kailangan raw nito ng panahon upang mag-isip. Naudlot ang tuwa ni binata.  Asang-asa kasi siya na positibo ang magigng tugon ng dalaga. Nalungkot man ay inintindi na lamang ni Jay ang dalaga.

Pagakatapos ng gabing iyon, hindi nagparamdam si Sara kay Jay. Nag-alala ang binata. Kaiba kasi ito sa nakasanayan niya na lagi siya may text mula kay Sara mula umaga hanggang sa kabuuan ng araw. Tinatawagan niya ito pero hindi iyon sinasagot ng dalaga. Ilang text din ang pinadala ni Jay subalit ni isa ay walang sinagot ang si Sara. Kinahapunan, pagkatapos ng trabaho, tinext niya ang dalaga sinabihan niya ito na nagaalala siya. at pupuntahan niya ito. Sa wakas ay nagreply ang dalaga. Umuwi raw ito sa bahay nila dahil masama ang pakiramdam nito at hindi siya pumasok. Dahil sa nalaman, lalong ninais puntahan ng binata ang dalaga. Napagpasyahan niyang pumunta muna sa pinagtatrabahuhan ni Sara para ipagtanong ang address nito.

Hindi niya inasahan ang nakita niya pagdating niya sa mall. Malayo pa siya sa tindahan na kanyang pakay ay natanaw na niya si Sara. Laking pagtataka niya dahil ang sabi nito ay hindi siya pumasok. Palapit na sana siya upang kausapin ang dalaga ng may makita siyang semi kalbo na mukhang gym instructor na pumasok sa tindahan, dumiretcho kay Sara at humalik sa labi. Pagkatapos ay tila nagpaalam si Sara sa mga kasama niya at habang nakaakabay sa kanya ang lalaki ay umalis na sila. Nayanig si Jay sa nasaksihan niya. Lutang siya. Hindi niya alam kung paano siya nakauwi ng  gabing iyon.

Kinagabihan ay nagtext si Sara. Hindi kinayang tanungin ni Jay ang dalaga tungkol sa nakita niya dahil takot siya sa maaring maging sagot nito. Kinamusta na lamang nito ang dalaga. Mabuti na raw ang pakiramdam nito at papasok na siya bukas. May sagot na din daw ito sa tanong ni Jay nung nagdaang gabi. Hindi pa daw siya handang makipagrelasyon dahil siya lamang ang inaasahan ng pamilya nila. Magkakahalong sakit, galit at pagakalito ang naramdaman ni Jay ng mga oras na iyon. Hindi niya maintindihan kung anung nangyari. Pero duwag siya. Wala siyang lakas ng loob na tanungin si Sara. Nagpanggap na lamang siyang walang nakita at na naiitindihan niya ang desisyon ng dalaga. Sana raw ay maaari pa din silang maging magkaibigan ika ni Sara na sinagot naman niya ng “Oo naman!”

Mula sa common friend nila ay nalaman ni Jay boyfriend daw ni Sara ung lalaking nakita niyang humalik at sumundo kay dito. Bago lamang daw sila. Ito ang kumpirmasyong kailangan ni Jay upang bumitiw na.  Mahal niya si Sara,  pero hindi siya tanga. Matapos niyon ay tinetext pa din ng dalaga ang binata, tinatanong nito kung bakit hindi na daw siya dinadalaw g binata. Hindi na ito sinasagot ni Jay.

Ang nakakatawa lang sa lahat ng pangyayaring ito, nagsimula at natapos ang lahat ng hindi nalalaman ni Jay kung ano ang apelyido ni Sara.

Jay : Chapter 2

Nakagawian na ni Jay na mag muni-muni sa tuwing siya ay mag-isa.

Sakto.  Average ika nga sa Ingles. Sa isa sa kanyang muni-muni sessions ay naisip niya na ang pang-uring ito ang makapaglalarawan kanya.

Hindi siya henyo pero hindi rin naman siya matatawag na mangmang.

Hindi ganun kalakas ang katawan niya para maging atleta pero hindi naman siya lampa.

Hindi siya masipag, hindi din naman siya batugan.

Hindi siya papasa bilang santo pero, hindi din naman siya masama.

Hindi siya suplado, pero hindi din siya palakaibigan.

Hindi siya matangkad, di din naman bansot.

Hindi siya yung tipong mapapalingon ka dahil guwapo, pero hindi siya pangit.

Hindi siya mayaman, pero nakakain naman siya ng tatlo hanggang apat na beses sa isang araw.

Sa pagitan ng pinaka mataas at pinakamababa . Walang labis, walang kulang. Sakto.

Nasaling ang ego ni Jay ng una niyang mapansin ang pagiging sakto niya sa halos lahat ng bagay. Naisip niyang napakaordinaryo lamang pala niya.

Kaunti lamang ang aamin ng harapan na nais nilang magkaroon ng katangian na mag-aangat sa kanila sa iba.  Pero ang totoo, lahat naman ay gusto nito. Ego, kasama ito sa ating pagiging tao at siyang puno’t dulo ng pagnanais na maging mas angat sa iba.

Matagal ng natanggap ni Jay na sakto siya. Para sa kanya dalawa lamang ang pagpipilian, magmukmok o tanggapin ang kung anung meron siya at sikaping mapaunlad ito.

Maaari siyang maging henyo sa pamamagitan ng pagaaral.

Maaari siyang magehersisyo upang lumakas.

Maaari siyang magsikap na maging masipag, mabait at palakaibigan.

Maaari siyang tumayo ng mas tuwid upang mag-mukhang matangkad.

Maaari niyang panatiltihing malinis ang sarili upang gumuwapo

Maaari siyang yumaman basta masipag at masinop siya.

Naisip ni Jay na hindi naman porke’t nasa gitna siya ay walang na siyang magagawa upang umangat.  Para sa kanya binigyan siya ng magandang oportunidad ng pagiging sakto niya upang umunlad sa sarili niyang pagsisikap.

 

Foodie Fridays: Tsokolate Batirol, Isaw at Fishball

Hindi ko alam bakit nung naiispan kong mag blog ay English ang ginamit kong wika. Hindi madaling magsulat o magsalita ng English. Aminado ako na hindi ako maalam sa proper grammar at kung saan  dapat ilagay ang mga puncuation marks. Basta hindi pangit sa pandinig pag binasa ng malakas, okay na yun. Siguro ego yun, para mapakita ko na kaya ko mag English, pwede ding para maintindihan din ito ng ibang lahi, universal language nga naman hindi ba. Hanggang ngayon wala akong maibibigay na siguradong dahilan bakit hindi Filipino o Kapampangan ang ginamit kong medium.

Ito ang unang post ko na sariling wika ang gagamitin ko. Pinoy street food ang topic ng Foodie Fridays ngayon at  sa palagay ko mas bagay gamitin ang sariling wika. Nakakapanibago.  Sanay ako magsalita ng Filipino pero ang huling sulat ko ng ganito ay noon pang college. Hindi ako dalubhasa sa pagamit ng purong Filipino kaya malamang maghahalo halo ang English, Filipino at Kapampangan sa post na ito. Iyon ang gusto ko sa pag bablog, walang istriktong panuntunan, basta naiintindihan ko at ng mga magbabasa, ayos na. Iyan naman e opinion ko lamang.

Kagabi, nagkaroon ako ulit ng pagkakataon na sumali sa pratice ng bago kong nalaman na ehersisyo. Matapos nito masarap at magaan ang isip at katawan ko pero gutom ako. Gusto ko ng inihaw na isaw! Noong nakaraang taon ay inayos ang harap ng Museo ning Angeles. Nagtayo sila ng cafe sa loob at may mga nagbebenta din ng samut saring street food sa may bandang gilid nito. Magandang ideya ito dahil malapit ang lugar sa simbahan at mga eskwelahan. Tila pinagsama ang bago at luma dito, mula sa disenyo ng lugar at mga pagkain na maaring orderin. Kaiba sa mga naunang Foodie Fridays na mga unexpert food review, ito ay simpleng pagkukwento lang ng experience ko kagabi.

Una kong nalaman na may nagbebenta ng inihaw isaw dito mula sa isang kaibigan. Masarap ang sauce at mura ang tinda nilang isaw. Tila isang naglilihi, ilang araw ko din inisip at ginusto kumain ulit nito. May mga iba pang maaring bilhin gaya ng hotdog, pork at chicken barbeque, at betamax. Pero nung gabing yon, isaw lang talaga ang nasa isip ko.

20150126_194631

20150126_200452_LLSHeaven! 

Tsokolate batirol at fishball naman ang cravings ng kasama ko kaya pagkakuha namin ng puwesto, kanya kanya kaming lakad papunta sa aming kaligayahan. Sa pagkakaalam ko, ang tsokolate batirol ay isang old school na inumin na bumabalik sa mainstream ngayon.   Unang beses na matitikman ko ang inuming ito. Excited ako. Nakalimutan kong mainit pala at napaso ako mula dila, lalamunan at gumihit hanggang tiyan. Hindi talaga magandang magsama ang katakawan at excitement.

20150129_203849_LLS

Masarap maupo sa isang open na lugar, kumain at magkuwentuhan. Maganda sa mata ang paghahalo ng luma at bago. Mula sa kinauupuan ko tanaw ko ang simbahan ng Holy Rosary at sa gilid ko naman ay ang dati kong eskuwelahan. Presko ang hangin.  Sa harap namin ay ang mga pagkaing simple pero masarap. Samahan mo pa ng makabuluhang usapan. Solb na ang gabi! Sa madaling sabi, nakuha namin ang gusto namin.

20150129_203424_LLS

20150129_213429_LLS

Ayos! Nairaos ko ang unang Filipino post ko! Masarap pala sa pakiramdam. Uulitin ko ito.

more adventures coming..

Peace out!

Jay : Chapter 1

Wala naman siyang problema nung gabing yun, mag-isa siyang umiinom dahil hindi siya nasipot ng kabarkada niya.  Ayos lang ito kay Jay, sanay siya na mag-isa.  May iba pa naman siyang mga kaibigan na maaring maaya, pero mas pinili na lamang niya magsolo.

“Dati-rati, sabay pa nating pinangarap ang lahat, umaawit pa sa hangin at amoy araw ang balat…”

Napangiti si Jay ng marinig ang kantang iyon habang mag-isang umiinom  sa isang bar sa Balibago. Nababaduyan man siya, gusto niya ang kantang iyon, inilalarawan kasi nito ang 90’s, panahon ng kanyang kabataan. Nanumbalik kanya ang isang nakakaliw na alaala ng panahong nagdaan.

Nagbabakasyon siya noon sa bahay ng tiyahin niya sa San Fernando. Solong  anak si Jay kaya sabik siya sa kalaro. Iyon agad ang kanyang hinanap pagdating nila sa bahay ng tiya niya. Hindi naman siya nabigo, dahil sa tapat ng bahay ay may nakita siyang isang batang babae. Linapitan niya ito at inayang maglaro. Kahit noon lamang sila nagkita agad naman silang nagkasundo.

Bahay -bahayan ang nais na laro ng batang babae na agad namang sinangayunan ni Jay. Masaya siya dahil may bago siyang kalaro, kahit anu pa ang gustong laro ng batang babae ay payag si Jay. Nang mag-laon, maliban sa paglalaro ay namamasyal na din sila sa may kalapit na parke kasama ang taga alaga ng batang babae.

Halos araw-araw ay magkasama ang dalawa, napuputol lamang ang paglalaro nila sa tuwing ang papauwiin ng kanyang taga alaga ang batang babae upang matulog sa tanghali. Isang araw, habang masaya silang naglalaro ng bahay bahayan ay tinawag ng kanyang taga alaga ang batang babae, pinapauwi na ito para matulog. Ayaw ng batang babae ngunit sa huli ay sumunod din ito at umuwi. Naiwan mag isa ang batang si Jay. Kinabukasan ay nagusap ang dalawang bata.

“Ayaw ko na sa amin, palagi na lang ako pinapatulog ni Ate.”

“Gusto mo dito ka na lang sa amin tumira?”

“Talaga?!”

Oo! Kunin mo na yung mga gamit mo, share tayo dito sa bahay bahayan natin!”

“Hmm.. puwede ko ba isama si Teddy ko?”

“Oo naman!”

Umuwi ang batang babae ng tangahaling iyon upang matulog. Kinahapunan ng bumalik siya kina Jay may bitbit siyang maliit na kahon at yakap ang isang teddy bear sa kabilang kamay niya. Nakasalubong niya papasok ang tiya ni Jay. Nagtatakang tinanong ng matanda ang bata kung ano ang dala nito. Sinabi ng batang babae na mga damit niya iyon, sinabi din niya ang usapan nila ni Jay na doon na sila titira sa bahay bahayan nila. Hindi alam ng matanda kung matatawa ito o pagagalitan si Jay dahil sa nangyari. Kinausap nito ang dalawang bata at ipinaliwanag kung bakit hindi maaring doon tumira ang batang babae. Matapos ang madaming tanong ay naiitindihan din ng dalawang bata ang nais ipaintindi ng matanda.

Nagpatuloy ang pagkakaibigan ng dalawang bata hanggang sa kailangan ng umuwi ni Jay dahil tapos na ang bakasyon. Bago naghiwalay ang dalawa ay nangako si Jay na sa susunod na bakasyon ay babalik siya uli sa bahay ng tiyahin niya. Maglalaro at mamasayal sila ulit. Nangako din ang batang babae na hihintayin niya si Jay.

Ngunit laking pagkalungkot ni Jay ng sumunod na bakasyon.  Wala na ang batang babae. Kasama ang kanyang buong pamilya ay lumipad sila pa Amerika upang doon na manirahan, Ang naiwan na lamang sa bahay ng batang babae ay ang dati niyang taga alaga na siya na ngayong taga pangalaga ng bahay.

Ito ang alaalang nanariwa kay Jay ng marinig niya ang kantang iyon habang mag-isa siyang umiinom. Naisip niya, nasaan na nga kaya ang batang babae ngayon. Kahit anung pilit niya ay hindi niya maalala ang pangalan ng unang babaeng hindi niya sinasadayang naaya na maglive in.  “Ang aga ko pala lumandi!” natatawang bulong ni Jay sa sarili.  Umorder pa siya ng isang bote ng beer at pagkaubos niyon ay nagpasya na siyang umuwi dahil tinatawag na siya ng kanyang higaan.